Sabado, Oktubre 31, 2015

Tunay na Kalaban
“Puro ka Aldub at Pastillas, tapos magtatanong ka kung bakit nakaupo lang si MABINI sa pelikulang HENERAL LUNA?” ang sabi ni Batman habang sinasampal si Robin sa isang memes na nakita ko kamakailan sa social media. Ito lang ang masasbi ko sa inyo, mga kapatid, “Huwaaw! Buti pa si Batman oh, alam! Daig ka beh.”
Nadismaya talaga ako noong nabalitaan kong pinapull out ang pelikulang Heneral Luna sa isang sinehan sa Lucena. Gusto ko talaga panoorin iyon kasama ang aking kaklase dahil sa mga naririrnig kong kumento sa pelikula. Isama pa ang mga linyang tagos sa makasariling kaluluwa ng mga Pilipino. Pero dahil ang bait-bait ni Lord, napanuod ko siya. Basta napanuod ko siya. Wag niyo nang alamin kung paano, saan at kailan dahil baka tumayo si Mabini sa katauhan ni ginoong Quizon.

Attitude din pala itong si Heneral Luna na ginampanan ni John Arcilla. Sa klaseng aking kinabibilangan ngayong kolehiyo, kapag sinabing attitude, ang taong tinutukoy ay nagtataglay ng ilang negatibong ugali. Itong ating bayaning tinaga at trinaydor ay may attitude talaga. Sa kabila ng pagiging lover boy ay bugnutin, padalos-dalos, nangdadakma ng kwek-kwek ng petiks na opisyal at mainitin ang ulo nitong mamang may maangas na bigote na buhay noong 1866-1899.
Pero kung sabagay, sino ba naman ang hindi kukulo ang dugo at mag-aala menopause na ginang sa bayang sabog at pinamamahayan ng mga utak talangka, na pilit pinagkakaisa. Ang mga taong nasa taas (na malamang ninais ang kanilang kinatatayuan) na dapat magsisilbing muog, magpapasimula ng pagkakaisa at kakalinga sa aba ay sila pang pawang askal na nagkakagatan para sa sariling nasa. Kung makakadekwat lang ako ng time machine kay Mr. Peabody, pupuntahan ko si Heneral at bibigyan ko siya ng isang bandehadang stress-tabs. 
Subalit hindi ata si Heneral ang may kailangan ng mga gamot na iyon, kundi ang inang bayan. Ang ating inang bayan na dinudugo na sa kamanhidan ng mga anak niya. Sa kamanhidan sa nakaraan. Sa kamanhidan sa mga bagay na may halaga. Sa kamanhidan sa katotohanan. 
“Hindi panlalait ang pagsasabi ng totoo.” Ito ang sinabi ni Luna kay Buencamino sa pelikula. Ang totoo, sinasalamin ng pelikula ang daantaon ng sakit ng ating bayan. Ang pagiging makasarili. Makasarili.
Muli, nadismaya ako ng mabalitaan kong ibinalik ang pelikula sa parehong sinehan. Ipinansalang kasi ng Pilipinas ang pelikula sa 2016 Oscars. Nadismaya ako hindi dahil ito’y ibinalik, kundi nangangamoy kapitalismo. Nangangamoy makasarili.


Miyerkules, Agosto 5, 2015

Isang Pagtataya sa Kalagayang Pulitikal ng Pilipinas
ni : Resa Salvador
            Laman ng dyaryo, telebisyon, radio at bibig ng mga Pilipino ang tungkol sa paparating na eleksyon; kung sinu-sino ang manok nila, kung sino ang may lahing buwaya, sino ang mainam na magtambal at kung anu-ano pa. Pero bago tahakin ng mga Juan at Juana ang panibagong daan,tuwid man o hindi, ano nga ba ang kalagayang pulitikal ng ating inang bayan?
Ang pulitika ay isang ahensiya kung saan ang kalooban ng mga tao ay ipinapahayag, ipinopormula, naisasakatuparan at ipinatutupad.  Ayon sa kongkreto at tiyak na kahulugan ng pulitika, tinutukoy nito na ang pulitika ay para sa tao at kapakanan niya, para sa lahat ng tao; walang nakalalamang o nasasapawan. Ngunit kung bibigyan ng isang pagsusuri ang pulitikal na aspeto ng ating bansa, mukhang kabaligtaran ang nangyayari. Hindi patas, ika nga. Ang mga may upuan sa loob ng de-aircon na gusali ng gobyerno na sariling pinapahayag na sila’y ‘tagapaglingkod ng mamamayan’ ay siyang nagpipiyesta sa kaban ng bayan.
Katiwalian, iyan ang reklamo ng bayan; ngunit hindi na ito naluluma. Mula pa man noong tayo’y nasa ilalim ng pananakop ng iba’t-ibang lahi, pinuputakte na ang Pilipinas ng mga kurakot na tagapamuno. At sa kasalukuyan, nanatili tayong lugmok at nakatali parin sa tanikala ng katiwalian. Ngunit hindi ba dapat sa paglipas ng panahon, maunlad na ang bansa at nakabangon na? Bakit palala ng palala? Nakakalungkot na malaman na ayon sa artikulo ng Remate.ph, mula sa isang pagsusuri, ang Pilipinas ay tinaguriang kasama sa 10% ng pinakakorap sa Asya. Mula ito sa sa pagsusuri ng mga banyaga, ngunit ang mas nakakadurog ng puso ay ang tumanggap ng mga kritisismo ang bansa mula sa sariling mamamayan nito. Mula sa pananaw ng isang manunulat na si Fermin Salvador sa kanyang artikulong: Kababawan ng Pulitika ng Pilipinas, “Gusto lang (ng mga pulitiko) ay puwesto, poder at pondo. Walang pakialam sa kaakibat na trabaho.”
Sa kasalukuyan, ang pamamalakad parin ng nasa panunungkulan ang palaging sinisisi - Ito’y kasinungalingan. Maaaring bihirang-bihira lang ang Pilipinong sinisi ang sarili sa kalagayan ng bansa. Ang bawat taong nag-iisip, nagdedesisidyon at kumikilos bilang bahagi ng pulitika ng Pilipinas ay may epekto sa kabuuan. Ang pulitika ay hindi natatapos sa mga naihahalal.
Kung ang kasalukuyang pulitika ay mamumulat sa katotohanan, magiging makatwiran, isasaalang-alang ang pagiging patas, hindi aasa at kilos ng may pagkukusa, isasakatuparan ang pagiging tapat at itatakwil ang sariling nasa, ang pulitika ay makakawala sa kung anumang tanikalang sumasakal dito.

Malapit na naman ang panahon kung saan namumukadkad ang salitang pulitika; ang mga mapang-akit, karapat-dapat at masa. At tayong mga Pilipino ay patuloy na umaasa na sa susunod na yugto ng pulitika ng Pilipinas ang mga Pinoy ay makakawala na sa pagtakbo ng paikut-ikot --- gaya ng nangyayari sa  kasalukuyan.

Martes, Hulyo 14, 2015

ito ang una kong blog. walang sense. wala. wala talaga. ginawa ko ito dahil wala lang. bakit ba ito tinawag na blog? Mayroon akong naaalala sa tunog na nililikha ng salitang 'blog'. Ulit-ulitin. Ulitin pa. Oo,  tama, mabaho nga. Yaks. Ew men, ew.